Sunday, November 28, 2010

Review Center



Katatapos lang ng licensure examination ng halos lahat ng engineering graduates na kakilala ko. Galing sila ng iba't ibang unibersidad at kolehiyo at iisa lang ang pare-pareho sa kanila - ang makapasa sa board exam at makuha ang titulo ng isang inhinyero. Paano? Sa pamamagitan ng review center.

Dati pa man may mga review center na sa kahit anong larangan ng kahusayan at galing. Sa iba't ibang aspeto ng propesyon ay may mga review center na rin. Maging sa pagpasok sa mga kilalang unibersidad sa bansa ay may mga review center na rin. Kung lahat ng ganitong klaseng mga pangyayari sa buhay ng isang kabataang nag-aaral, ano ang mahihita niya sa pagpasok sa mga review centers?

May ilang mga rason kung bakit nagtayo ng mga review center. Una, upang i-refresh sa utak ng mga nagsisipasok sa kanila ang mga NAPAG-ARALAN NA at susuplementuhan na lang ng ilang mga gawain na magpapatalas ng kanilang isip sa nga asignatura kukunan nila ng pagsusulit. Ito ang tunay na kahulugan dapat ng isang review center, ang i-refresh ang utak ng mag-aaral.

Pangalawa, ang review center ay itinatag para ihanda ang mga reviewees nito sa pagkuha ng mga eksaminasyon gaya ng board exam at admission tests. Inihahanda nila ang mga reviewees sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga metodo sa kung paano sasagutan ang isang tanong nang hindi masasayang ang isang oras.

Pangatlo, itinayo ang mga center na ito upang ipakita sa kanila ang mga nakaraang mga licensure at admission test papers at ituro sa kanila ang pagkuha ng mga sagot sa mga lumang dokumentong ito. Dahil dito, magkakaroon na ng idea ang mga reviewees kung anong tipong mga tanong at konsepto ang lalabas sa gaganaping eksaminasyon sa hinaharap at mabigyan sila ng direksyon sa kung anong konsepto ang dapat bigyan ng pansin.

Pang-apat, ipakita sa mga reviewees ang mga lalabas na tanong sa pamamagitan ng pagpapabasa sa mga ito ng mga tanong at hindi pinahihintulutang kumuha ng tala mula sa ipinapabasa. Nahahalintulad ito sa memorization dahil kailangang mong ikabisa ang mga ito dahil malamang sa hindi, ilan sa mga ipinabasa sa iyo ay lalabas sa aktwal na eksaminasyon.

Panghuli, upang ipakita sa mga reviewees ang mga tanong na lalabas talaga sa aktwal na eksaminasyon. Kalimitan, ibinibigay ito sa mga reviewees nila ilang araw bago ang aktwal na araw ng pagsusulit, at kaakibat nito ang pagbabawal na ipakita ang mga dokumentong ipinamahagi sa kanila sa ibang hindi kabilang sa review center na iyon.

Mula sa ikatlo hanggang sa huli ang karaniwang deskripsyon ng isang makabagong review center. Ang una at ikalawang rason ay nakikita pa naman sa ilan ngunit sadyang patok ang mga establishimentong may mga kakayahang inilahad ko sa ikatlong hanggang ikalimang rason.

Ang mga ito ay base lang sa aking mga obserbasyon at walang intensyon na manira ng integridad. Wala rin akong pakialam sa kung paano nila dapat patakbuhin ang isang review center. Kanya kanya lang yan. Kung baga sa salitang balbal - "Walang basagan ng trip, kanya-kanya lang yan."

Ang desisyon na lang ay nasa sa mga estudyante na lang mismo. Gusto mo bang pumasa na alam ang pasikot-sikot ng tinahak mo o pumasa dahil kinabisado mo lang ang lahat ng gusto mong malaman?

Nasa inyong mga palad ang kasagutan.

Friday, November 26, 2010

Nobyembre 26

Nagbukas ako ng Facebook. At, tiningnan ko ang orasan sa gawing kanan ng kompyuter kong Windows XP SP2 at refurbished pa (na ako lang ang gumawa). Tinungo ko ang recent news at iisa ang tema ng lahat ng mga kaibigan ko doon - good luck at God bless. Bakit? Oras na ng board exams sa karamihan ng mga ECE students - maliban sa sarili ko.

Naitanong ko sa sarili ko? Bakit nga ba ako hindi nag-take ngayon? Bakit hindi ako sumbay sa kanila? Bakit hindi ako nagkalakas ng loob na kumuha rin ng ganitong klaseng eksaminasyon? Ang sagot - hindi ko pa panahon para sa mga ganitong bagay.

May mas matimbang pa sa akin bukod sa board exam. Ako na kasi ang tumatayong breadwinner sa amin kaya naman kung hindi agad ako hahanap ng hanapbuhay ay tiyak di ko na alam kung saan na kami pupulutin ngayon. At hindi ko na rin alam kung ano ang ipanggagastos namin sa araw-araw. Kaysa kumuha ako ng board exam, magtrabaho na lang ako - may pera pa.

Sa isang banda, may nagsusumigaw sa kailaliman ng aking pagkatao. Gusto ko ring maranasan kung paano kabahan, paano ma-excite ngayong paparating na ang board exam, paano manghula kung hindi na alam ang sagot, at maari pang ibang kaugnay na bagay. Gusto ko ring maranasan ang ganun, pero hindi ko pa nga panahon, ika nga.

Ayun, at dahil hindi naman ako kukuha ng board ngayon, pinagpatuloy ko ang pagbabasa ng mga news feed. Marami sa kanila, mga qoutes mula sa bibliya, o kaya naman ay words of wisdom mula sa ilan, o kaya naman mga cheer mula sa kani-kanilang kamag-anak at kaibigan. Nakakatuwang isipin na marami ang talagang tutok sa magiging kahihinatnan ng eksaminasyon na ito, maski na ako na hindi kukuha, ay nakatutok din sa mga kakilala ko. At ipinagpatuloy ko ang pagbabasa ng newsfeed.

Ano man ang kahihinatnan ng board exam na magaganap ngayon ay salamin ng mga mithiin nila na nais nilang makamit . Nagkataon lang na hindi ko pa oras ngayon kaya ipinagpaliban ko muna. Ang mahalaga sa akin ngayon ay mapatunayan kong may silbi ako sa lipunan ko higit pa sa pagkuha ko ng lisensya.

At nakita ko na ulit ang orasan, 12 na pasado, Nobyembre 26 na. At nagsulat ako sa wall na nagsasabing God bless sa lahat ng mga ECE na kakilala ko. At matapos noon ay natulog na ako para aralin na ang mga bagong aralin sa bago kong trabaho.

Tuesday, August 10, 2010

Ilang Taon Ka Na Ba?

May nagtanong na ba sa inyo kung ilang taon ka na? May nanghula na ba kung ilang taon ka nang nabubuhay sa mundong ito? Kung mayroon man, tama ba naman ang ibinigay mong edad o kaya'y tama ba naman ang inihula sa iyo?

Eto ang follow-up. Naranasan mo na bang matawag na kuya o kaya ate kahit na ang tumatawag sa iyo ng ganun ay mas matanda pa sa iyo? O kaya naman, ay nagulat sila na malaman na matanda ka na pala gayung ang tantiya nila sa edad mo ay may mababa sa aktuwal na gulang mo?

Kung oo ang sagot sa unang follow-up, malamang naghihimagsik na ang iyong damdamin at ninanais mong sapakin o kaya durugin ang pagmumukha ng taong inakala kang matanda gayung ang tunay na edad mo ay bata. At hindi rin mapagkakaila na humanap ka na ng paraan na pampabata para sa susunod na may magtatanong ng edad mo o kaya may manghuhula ng gulang mo ay hindi ka nang mapagkamalang matanda. Parang ang dating kasi kapag ganito ang sitwasyon ay hindi mo na napapangalagaan ang iyong sarili. Sa madaling salita, nalolosyang na ang iyong alindog.

Kung oo naman sa ikalawang follow-up, naglulundag ka siguro sa tuwa o kaya marahil ay nagdidiwang ka na sa mga pinakamatatalik mong kaibigan ang ginawang komplimeto ng taong humula o kaya naman nagulat sa edad mong akala nilang bata pero matanda. Maski ako mapagsabihan na mukha kang disi-otso gayung bente singko ka na ay nakakaangat na ng pakiramdam, nakakaangat ng tiwala sa sarili at nakakaganda ng araw. Kaya sa mga napagkamalang bata kahit na mahigit singkuwenta na ang tunay na edad, saludo ako sa inyo at napangangalagaan niyo ang inyong pisikal na katangian.

Sa kabilang banda, sa mga sumagot sa unang tanong, huwag kaagad-agad na magmukmok sa sulok at ituring ang sarili na isa sa mga pinaka (bahala na kayo sa gusto niyong isipin). Oo nga't isang pagyurak sa kompiyansa sa sarili ang mga ganoong pagkakataon. Sino ba naman ang matutuwa kung matawag kang manang gaying labingwalong taong gulang ka pa lang? Sige nga aber? Pero huwag mong ikulong ang sarili sa kasadlakan sa ganong klaseng paglalarawan sa edad mo.

Subalit, ang pagtawag sa iyo ng manang, ale o kaya mama, pati na rin kuya kung mas matanda pa ang tumatawag sa inyo ay may kalakip na respeto (kahit minsan ay hindi ito nakikita). Hindi man halata ang respetong hatid nito ay isang komplimeto na ring maituturing ang mga bagay na ito. Biruin mo, hindi ka na basta-basta mabubully ng kung sinu-sino dahil tingin ng iba sa iyo ay mas matanda na. Hindi ka na rin kaagad-agad na magogoyo ng iba dahil nakikita nila sa iyo ang karunungan na sa mga matatanda lang natatagpuan, at ituring mo itong isang papuri dahil ang tulad mong nasbihan ng gayon ay iginagalang at kinatatakutan (sa ibang banda) .

Ang edad ay isang indikasyon kung gaano na tayong katagal sa mundong ito. Pananda rin ito sa mga bagay na natutunan mo mundong ito. Ngunit ang edad ay isang numero lang na ginagamit sa birth certificate, ID at kung anu-anong dokumento.

Di maiiwasan ang pagtanda. Pero, mas maganda nang matawag na matanda dahil mayroong pinagkatandaan kaysa naman pagkamalang bata dahil walang pinagkatandaan.

Thursday, August 5, 2010

Tanong, Sagot, Tama, Mali

Sabi ng ilan na ang pagtatanong ay isang palantandaan na ang isang indibidwal ay interesado na malaman ang isang bagay na kasalukuyan niyang nakakasalamuha. Isa itong tanda na ang isang tao ay handang yakapin ang anumang kaalamang mapupulot niya rito. Ayon rin sa mga iilan, ang pagtatanong ay isang katangian ng mga matatagumpay na tao sa kahit anumang larangan. Kaya sila nagtatanong ay dahil sa mya mga ideya, bagay, o teorya ang malabo, gumugulo, o lumalaban sa kanilang dati nang kaalaman, paniniwala, o ideyolohiya.

Sa ganitong paraan, tamang sabihin na paghahanap ng kasagutan ang layunin ng pagtatanong. Tama rin na sabihin na may layunin nitong linawin ang anumang bagay na magulo o malabo para sa isang indibidwal. Nagtatanong ang tao para may bagong matutunan.

Pero paano ka magtatanong kung hindi mo alam ang itatanong? Maraming bagay dito sa mundo ang nais usisain ng kamalayan at isip natin pero hindi natin alam kung paano ito sisimulang siyasatin at alamin dahil sa sarili natin mismo hindi alam kung paano ibabato ang tanong sa kinauukulan nito. Kaya ayun, ang iba, nagkakasya na lang ipilit ang natatangi nilang alam sa mga sitwasyong hindi rin alam kung paano sasagupain.

Isa pang dahilan kung bakit marami ang nagkakamali ay dahil may taong nagtatanong ang pinagdadamutan ng impormasyon. Maraming ganito ang takbo ng pag-iisip sa kadahilanang ayaw maungusan ang mga natatanong ng mga nagtatanong. Ang turing sa mga taong nagtatanong ng may ganitong ayos ng utak ay isang taong walang alam, hindi marunong, mahina ang pag-iisip o kaya ang masaklap, ang inutil. Kaya patuloy na nagkakamali ang ilan dahil sa iniilagan nila ang mabigyan ng ganitong mga "brands".

Marami rin ang ayaw magtanong dahil nga alam na nila ang sagot (malamang kasi magtatanong ka lang kung hindi mo talaga alam). Pero may mga pagkakataon na sa pamamagitan ng pagtatanong, kahit alam mo na ang sagot, nakakakuha ang isang personalidad ng kasiguruhan na tama ang kanyang nasasaloob. Totoong alam na nila ang sagot at ang nais lang naman nilang masiguro ay kung tama ang sagot nila. Isang tanda lang ito ng paniniguro ng mga taong takot magkamali - mga taong ang turing sa bawat pagkakamali ay isang itim na batik at dungis sa kanilang pagkatao.

Huli, ang iba ay iniilagan ang pagtatanong dahil ang isasagot ay isang tanong rin. Sa pamamagitan nito, mas naipapamukha sa taong nagtatanong ang kanyang kahinaan dahil ibinalik sa kanya ang tanong na kanyang sinabi. Sa madaling salita, isang malaking dagok ang pagbalik ng isang tanong sa nagtanong dahil ipinalalabas nito na wala siyang kakayahang suriin ang kanyang mga itatanong sa kung sino man kinauukulan na mas may kaalaman kaysa sa nagtatanong.

Sa kabuuan, paghahanap ng tamang kasagutan ang pagtatanong. Iyon nga lang, kadalasan, dala na rin ng inggit sa kapwa at takot na maungusan o malagpasan, iniiwasan ng mga natatanong na magbigay ng matuwid at tamang sagot. Ito ang madalas na naginging dahilan kung hangga't ngayon ay marami pa rin ang nagkakamali sa kabila ng pagiging malawak ng isip ng tao.

Kaya naman kung sa susunod na may magtatanong. . . kayo na bahala kung paano niyo sila haharapin. Ang bawat sagot na ibinibigay niyo sa bawat taong magtatanong sa inyo ay ituturing nilang mga maliliit na kandilang may sindi na gagabay (sana) sa nalililiman nilang mga landas at tunguhin sa buhay.

Dennis F. Burton

Friday, July 30, 2010

Cellphone (Vanessa F. Burton)


Ipinanganak tayong walang cellphone.

Nabuhay tayong walang cellphone.

Mamatay tayong hindi madadala ang cellphone.

Kung tutuusin, kayang-kaya naman nating mabuhay ng hindi gumagamit ng cellphone. Makakain tayo. Makatutulog, at magagawa ang mga gawain sa pang-araw-araw. Maari tayong mabuhay at mamamatay nang hindi man lang nakakagamit ng cellphone. Mawawalan lang tayo ng pinakamabilis na paraan upang makakonekta sa iba ngunit kung iisipin natin, kayang-kaya iyan.

Kailan ka lang ba natutong mag-cellphone? Hindi ba’t noong binigyan ka lang naman ng magulang mo nito o dili nama’y nahiram mo sa iba. kaya hindi mo maidadahilan at hinding hindi mo pwedeng sabihin na “I can’t live without cellphone” o kaya naman “mamatay ako.”

Cellphone— ginagamit ito ng mga taong kailangan ng koneksyon, mga taong busy at kailangan nang makipag-usap, mga nagmamadali, mga naliligaw, mga nagliligawan, mga OFW, mga nagtatanong ng assignments, mga humihingi ng advice, mga nangungutang, mga nagpapasa ng ‘gm’ o group message, mga nagpo-forward ng quotes, mga naggu-goodmorning/afternoo
n/evening, mga nangangamusta…

Hindi lahat ng gamit ng cellphone ay importante. hindi lahat ng gumgamit nito ay para sa mga importanteng bagay. iyong iba, kailangan. iyong iba, hindi. Pero kung iisipin, SANAYAN LANG IYAN!

May ibang taong hindi gumagamit ng cellphone. Ako, kaya ‘ko e Ikaw?

“Para saan ba ang cellphone na may camera? kung kailangan sa buhay iyon, dapat matagal na ‘kong patay.”

-bob ong

Vanessa F. Burton

2010-11900

Biyernes ng Gabi

Biyernes. Wala akong magawa. Napagtripan kong magbukas ng Net at nagbasa ng newsfeed sa facebook. Walang ipinagbago ang laman ng status messages nila sa wall mula ng makuha namin ang diploma namin nung nakaraang Abril. Lahat ay nangangarap na makabit ang mga letrang E, N, G at R sa kanilang pangalan pagdating ng Oktubre (pwede rin Nobyembre kung mauusod dahil uso na rin ang pag-uusod ng pagkuha ng lisensya dito sa Pinas).

Sa tuwing babasahin ko ang bawat isa doon, natutuwa ako sapagkat karamihan sa kanila ay bukas ang isip para mangarap at abot-kamay na nila ang kanilang mga pangarap. Marami sa kanila ang nagsusunog na ng mga sunog na nilang kilay maikabit lang ang mga letrang iyon. May ilan na nagdo double contract sa mga review center masilat lang ang mithi. May ilan naman na nagseseryoso at umiiwas na sa mga distraksyon makasama lang nila at makabanding ang kani-kanilang mga review materials. Halos lahat abala na sa mga panahong ito.

Pero iba ang sa akin. Oo, tulad nga nila, gumigising din ako ng maaga at nagpupuyat sa gabi subalit hindi para humawak ng libro na may kinalaman sa pinagkadalubhasaan ko noong nasa kolehiyo pa ako, kundi para magpaalila sa grupo ng taong hindi ko naman kaano-ano. Tumanggap ng utos nila para gawin ang bagay na medyo malayo sa inaral ko pero hindi naman nalalayo ng husto (ang labo ng linyang ito 'no? ) . Oo, tulad nila, may natutunan ako pero hindi mga bagong equation, theorem, o kaya eksplanasyon na pinagkakaabalahan kong idepensa sa mga kamag-aral ko noon, kundi mga katotohanang lalong nagdidiin sa akin na mayroon talagang mga nais akong marating na mukhang imposible para sa akin. Ginagawa ko ang mga ito dahil sa isang bagay na naglilimita sa akin na abutin din ang pangarap na inaabot na ngayon ng mga dati kong mga kaklase at kaibigan - pera.

Oo, tama yan nga. Ito ang dahilan kung bakit sa halip na magsunog ng kilay pagkatapos grumadweyt ay nagbanat na lang buto at magpiga ng utak para lang kumita ng salaping dadaan lang sa palad ko tuwing a-kinse at a-trenta. Hanggang leeg ang kabi-kabilang atraso ng pamilya namin sa kung sinu-sino noong nag-aaral pa ako. Kaya sa tuwing bubuksan ko ang account ko at makikita ang mga status nila, kahit unti tinatablan ako.

Biyernes. Matapos kong pagtripang basahin ang lahat ng kanilang status, kuntento na ako. Tinanggap ko na ang katotohanang matatagalan pa bago ko makuha ang mga letrang iyon. Matatagalan pa bago ko maranasan ang mga nararanasan ng ilan ngayon. Totoo ang mundo ito ay punung-puno ng limitasyon at malinaw na sa akin ngayon. Ngunit, sa kabila nito, napatunayan ng mga letrang iyon at mga status messages na iyon na ang lahat ng nangyayari sa bawat isa ay may dahilan. Humahanap lang ng tamang tiyempo para sa bawat isa. At ipinagpapasalamat ko na nalaman ko ito ng mas maaga.

PS. Ilibre niyo ko pag pumasa kayo ha.

Monday, April 12, 2010

Bakit Filipino?

Makailang ulit na akong nagbasa ng mga babasahin, magasin, aklat, komiks, at iba pang uri ng midya na mula mismo sa Pilipinas. Napansin kong marami sa mga iyon ay kung hindi nakasulat ng Taglish (pinaghalong Tagalog at English) o kaya naman ay sa purong English nasusulat. Gayung ang mga iyon naman ay likha ng mismong mamamayan ng Pilipinas at Pilipinong-pilipino ang may-akda. Tanggap naman siguro kung ang mga literaturang ito ay maaring isulat sa English kung may kinalamang asignaturang pang-akademiko, pero ang mga literatura - babasahin - na para sa mga nakakaraming mamamayan ng bansa, nakasulat pa rin sa English. Bakit hindi na lang isulat sa Filipino para mas madaling maintindihan ng karamihan.

Bilingual kung ituring ang Pilipinas. Nakasaad na rin sa Saligang Batas 1987 ang paggamit ng English at Filipino sa buong bansa sa larangan ng akademya at kalakalan. Sa ganang akin, tanggap ko ng buo ang pagiging bilingual ng mga Pilipino, pero may mga oras na hindi ko maintindihan kung bakit isasa-English pa ang isang dokumento kung sa unang pagtataya ay sa Filipino dapat isulat?

Narito ang ilang mga dahilan, batay na rin sa obserbasyon ko. Una, mataas ang tingin sa iyo ng kakilala mo o kung sino mang tao kung lahat ng dokumento mo(na ikaw mismo ang gumawa) ay nakasulat sa English. Nakakaramdam ka ng superyoridad sa iba kapag gumamit ka ng English. Pangalawa, hindi ka gagamit ng Filipino kahit na kausap mo ay masa para ipakita na isa ka sa mga taong may mataas na pinag-aralan. Pangatlo, hindi ka magsasalita ng Filipino lalo na kung matataas na tao ang nakakasalamuha mo, at pang-apat, hindi ka gagamit ng Filipino dahil sa isang kadahilanan - ayaw mong matawag na "commoner" at gusto mong mapabilang sa mga "class" na tao.

Maging sa mga nobela di-pormal, komiks at iba pa na naglalabasan ngayon ay ang mga dahilang nabanggit ang dominante. May isang beses na gumawa ako ng maikling komiks (mga limang pahina lang yata iyon. Bigla-bigla na may nagkumento na ba't Tagalog yung salita? Maganda sana kung English? Dahil dito, napaisip ako. Pang-mababang uri lang ba ang Filipino at pang-mataas na uri naman ang English?

Kung tutuusin, ang lawak at talino, pati na rin ang tayog ng isang tao sa lipunang ginagalawan niya ay makikita kung gaano niya kahusay gamitin ang wika ng kanyang bansa. Hindi porke magaling kang magsalita ng English ay magaling ka na. Ang Filipino kung tutuusin, ay isang wikang mag-aangat sa bansa sa kalapit nitong mga bansa. Bakit? Ang Filipino ang wikang kinamulatan ng ating ninuno, ginagamit sa pang-araw-araw. Ang Filipino ang dugo at damdamin ng lahat. Kung alam mong gamitin ang wikang ito, madali mo rin malalaman ang kanilang damdamin at saloobin dahil matatas ka at buong puso mong naipapahayag ang gustong sabihin at iparating sa lahat sa paraang magkakaintidihan ang lahat, magkakaisa ng kusa ang inyong mga isip at puso patungo sa isang layunin na nais mong suungin. Magagawa lang ito kung ang pagpapahalaga sa wikang ito ay gaya rin ng pagpapahalaga ng batang henerasyon sa wikang English.

Sa kabuuan, sa bandang huli, Filipino rin ang gagamitin mo kung gusto mong magparating ng kahit anong mensahe sa mga mahal mo. Hindi pang "commoner" ang wikang Filipino - ito ay isang wikang maghahatid sa bansa sa maganda nitong kalalagyan.