Saturday, July 2, 2011

Sa Wakas! May Dual SIM Phones na si Nokia

Kamakailan lang ay nagbigay ng teaser ang Nokia ukol sa bago na namang serye ng mga telepono sa na ilalabas nila sa merkado sa quarter ng taong ito. At, ang anunsyong ito ay sa inaabangan ko mula sa pinakaunang brand ng cellular phones na nakilala ko. Sa pagkakataong ito, may Dual SIM Phone series si Nokia.

Nagtungo ako sa pinakamalapit na technologies and gadget shop upang makita ko kung nailabas na nila ang bagong seryeng ito. At ayun, inilatag na nila sa merkado ang unang Dual SIM series ng Nokia, ang Nokia C2-00.
Eto ang mga ispesipikasyon ng natural mobile phone:
  • Network: 2G, GSM 900/1800 para sa 2 sim
  • Sukat: 108 x 45 x 14.7 mm, at may bigat na 74g
  • Display: TFT, 65k
  • Tunog: MP3, WAV, Vibration Enabled, may headset jack at loudspeaker
  • Memory: kaya hanggang 32GB gamit ang microSD
  • Phonebook: hanggang 500 entries
  • Data: GPRS enabled, at microUSB enabled
  • Camera: VGA, 640 x 480 pixels
  • Features: SMS, MMS, WAP, FM radio enabled, Dual SIM
  • Battery: Li-Ion BL5C na may talk time na hanggang 4h
Para sa karagdagang mga impormasyon at mga rebyu, maari rin kumunsulta sa mga sumusunod na link:

Friday, June 24, 2011

Natututo Rin Naman

Mahigit isang taon ang lumipas, bakas pa rin sa alaala ng mga tao ang trahedyang hatid ng bagyong Ondoy. Kaya naman nang nagsimulang magsaboy ng tubig-ulan ang bagyong Falcon sa Kalakhang Maynila mula noong Huwebes ng gabi, nabuhay sa karamihan ang bagabag na hatid ng ganitong klaseng pag-uulan na naganap noong ika-26 ng Setyembre 2009.

Sa tantya ng mga istatistika at sa sarili na ring pagtataya, mas maraming ulan ang hatid ng bagyong Falcon, bagaman ayon sa PAGASA, hindi ito lumapag sa mga kalupaang sakop ng Pilipinas. Ngunit, ang hatid nitong ulan ay talaga namang nakakarimarim - lalo na kung masasaksihan mo na unti-unting tumataas ang mga tubig sa mga ilog sa Kalakhang Maynila.

Subalit, kahit na labis ang ulan na magdudulot ng pagbaha sa karamihan ng mga malalaking kalsada at abenida sa Kamaynilaan na magdudulot ng malawakang trapik, makikita sa mga tao na natuto na sila sa kanilang karanasan. Marami ang umiwas sa bahaing lugar, ang mga tao ay nagpalipas muna ng sama ng panahon sa mga silong at lugar na hindi abot ng tubig baha bago lumakad sa kani-kanilang mga destinasyon, at ang ilan ay hindi na gumala at nanatili na lang sa kani-kanilang mga tahanan sa kasagsagan ng sama ng panahon. Sa mga lugar na malapit sa umaapaw na ilog at creek, hindi pa mataas ang lebel ng tubig ay nagsilikas na sila sa mga evacuation centers. Ang iba naman ay naghanda na rin ng mga gagamitin sa oras ng pagbaha - mga noodles, mga gamot, mga flashlights sa oras ng brownout, at mga bote ng malinis tubig sa oras na sobrang umapaw ang mga ilog.

Ang mga kawani naman ng lokal na pamahalaan ay masigasig rin sa pagresponde sa mga lugar na posible at madalas datnan ng pagbaha at sila ang nanguna sa paglikas ng mga residente ng kanilang nasasakupan. Nanguna rin sila sa paghahatid ng mga pangangailangan ng mga evacuees. Ayon sa ilang mga opisyal, prevention is better than cure, ika nga.

Sa kabuuan, kahit papaano'y natuto na ang tao sa kanyang karanasan. Magtuluy-tuloy nawa ang pagkatuto ng mga tao nang mabawasan ang mga casualty na hatid ng mga ganitong klaseng mga kalamidad. At, huwag sanang ang mga natutunan sa leksyong itong hatid ng ating Inang Kalikasan ay hindi natin kalimutan sa mga susunod pang mga araw.

--- o --- o ---

Sunday, April 3, 2011

Ang Aking Sariling Pagkukuro Hinggil sa Fairy Tail (My Own Insights Regarding Fairy Tail)

[Paunang salita: Ang mga sumusunod na mga ideya rito ay isinulat ko sa wikang Ingles para na rin mabasa ng iba. At tsaka ang paksa natin ay isang tungkol sa gawa ng isang banyaga kaya minarapat ko na isa-Ingles ang mga susunod na mga talata.]

I am a long time fan of Japanese manga and any other types of graphic literature made by different authors of different cultures and nationalities. It relaxes me from my stressful work during my college years and even as a worker in a semiconductor firm. And one of the mangas (or should I say anime, since there is an anime version of it) that entertains me the most of the time is Fairy Tail which is created by Hiro Mashima, the author also of Rave Master.

The following are the qualities that makes Fairy Tail appeals to me:
  1. The story revolves around magic or any variants of magic itself. Many stories have touched the concept of magic but no one has the approach like Fairy Tail has - origins (though the story still building it up), uses and combats , and of course, side effects. The third reason made me hooked with this manga. Many has conceived magic to be a tool of the Gods, or a weapon of the powerful, or ability of a chosen one. Fairy Tail explains that nature of magic, its uses to the beholders, and its probable side effect if one has to overuse it. This manga also explains that magic can be essential to people if used properly but can also be wicked if used otherwise.
  2. Fairy Tail is not like other shonen manga that has long fighting battles. Most of the fights in this manga are considerably short in comparison to Dragon Ball or any similar pieces. Long fights can make the story draggy and less entertaining, and can sometimes, lead to boredom.
  3. The names are unique (of course, it should be) and somewhat connected to their personality or origins. For instance, the name Natsu Dragneel refers to somewhat thing or idea of the dragons plus Natsu is fire in Japanese (if I am not mistaken), the name Lucy Heartfilia denotes somewhat a wealthy personality, and so on. By this naming convention used in Fairy Tail, no need to explain what are their power since it is already being hinted by their names! ^_^
  4. The girls are super cute and sexy. In some shonen mangas, most of the women there are drawn like scribbles (except for One Piece). Since the shonen manga is mostly intended for males, the author or creator must also have excellent drawing on his female characters as well.
  5. Every latest chapter makes you crave for the next chapter. If you haven't read Fairy Tail and don't understand this fifth quality I had stated, just give it a try and read chapter 1. By that way, you can understand what I mean.
  6. There is no random killing of main and supporting characters. A good story plot doesn't always need killing a person in order for the protagonists to gain strength. Every character placed plays a significant role in a plot development and that is what Fairy Tail is doing right now.
  7. It has some comedic or comical relief in some of the plots. The use of it is to somewhat lessen tenses that has been built-up due to confrontations with stronger and smarter villains, and also make the reader out of the boredom borderline.
Though Fairy Tail has some good qualities, it has some flaws also and these are the following:
  1. Natsu Dragneel is always powered-up every time he faces with stronger and badass villains. These character development hole (my own term only) on Natsu makes his opponents look weaker than him although some of the match-ups (example with Zancrow) looked very one-sided (of course, I am expecting Zancrow to win). In addition, Natsu currently experiences nearly zero serious defeats. I think this would help Natsu character to grow a lot. (Note: Natsu is designed as a person that doesn't know how to surrender or to take defeat, so if that is the case, then that's it ^_^ )
  2. Some of overpowered magical skills are not explained substantially, so some of the readers keeps on guessing what the exact meaning of those overrated skills.
  3. The concept of having nakama armor plot is little lame for me. There are some ways to power up your character. Of course, it is up to the author.
  4. Some of character wounds and attacks are illogical. For example, when Hades attacked Makarov, he inflicted a damage on Makarov and it cause hole on his torso, but after the attack, he is still at 20% HP. I think it's logical if Makarov is in critical condition. Another illogical attack is Azuma's bomb on Mirajane. The bomb bursts only in front of Mirajane, leaving Lisanna mostly unharmed (if I recall correctly). When I read that, a big question mark appears on my head. Anyway, the story is still on-going so maybe it is explained in one of the chapters in the future.
  5. It seems that some of the art work becomes less creative than the others and it seems that some of them are recycled. I understand that part since releasing a manga weekly has a lot of pressure on mangaka's part. And, I use that copy-paste method too in some of my works (if there's any ^_^ )
Ergo! You had witnessed my insights regarding this manga. It is only based on my own preference and my experience on reading some shonen mangas before. But to summarize, I recommend Fairy Tail to manga fanatics. It is a good pick.

Sunday, November 28, 2010

Review Center



Katatapos lang ng licensure examination ng halos lahat ng engineering graduates na kakilala ko. Galing sila ng iba't ibang unibersidad at kolehiyo at iisa lang ang pare-pareho sa kanila - ang makapasa sa board exam at makuha ang titulo ng isang inhinyero. Paano? Sa pamamagitan ng review center.

Dati pa man may mga review center na sa kahit anong larangan ng kahusayan at galing. Sa iba't ibang aspeto ng propesyon ay may mga review center na rin. Maging sa pagpasok sa mga kilalang unibersidad sa bansa ay may mga review center na rin. Kung lahat ng ganitong klaseng mga pangyayari sa buhay ng isang kabataang nag-aaral, ano ang mahihita niya sa pagpasok sa mga review centers?

May ilang mga rason kung bakit nagtayo ng mga review center. Una, upang i-refresh sa utak ng mga nagsisipasok sa kanila ang mga NAPAG-ARALAN NA at susuplementuhan na lang ng ilang mga gawain na magpapatalas ng kanilang isip sa nga asignatura kukunan nila ng pagsusulit. Ito ang tunay na kahulugan dapat ng isang review center, ang i-refresh ang utak ng mag-aaral.

Pangalawa, ang review center ay itinatag para ihanda ang mga reviewees nito sa pagkuha ng mga eksaminasyon gaya ng board exam at admission tests. Inihahanda nila ang mga reviewees sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga metodo sa kung paano sasagutan ang isang tanong nang hindi masasayang ang isang oras.

Pangatlo, itinayo ang mga center na ito upang ipakita sa kanila ang mga nakaraang mga licensure at admission test papers at ituro sa kanila ang pagkuha ng mga sagot sa mga lumang dokumentong ito. Dahil dito, magkakaroon na ng idea ang mga reviewees kung anong tipong mga tanong at konsepto ang lalabas sa gaganaping eksaminasyon sa hinaharap at mabigyan sila ng direksyon sa kung anong konsepto ang dapat bigyan ng pansin.

Pang-apat, ipakita sa mga reviewees ang mga lalabas na tanong sa pamamagitan ng pagpapabasa sa mga ito ng mga tanong at hindi pinahihintulutang kumuha ng tala mula sa ipinapabasa. Nahahalintulad ito sa memorization dahil kailangang mong ikabisa ang mga ito dahil malamang sa hindi, ilan sa mga ipinabasa sa iyo ay lalabas sa aktwal na eksaminasyon.

Panghuli, upang ipakita sa mga reviewees ang mga tanong na lalabas talaga sa aktwal na eksaminasyon. Kalimitan, ibinibigay ito sa mga reviewees nila ilang araw bago ang aktwal na araw ng pagsusulit, at kaakibat nito ang pagbabawal na ipakita ang mga dokumentong ipinamahagi sa kanila sa ibang hindi kabilang sa review center na iyon.

Mula sa ikatlo hanggang sa huli ang karaniwang deskripsyon ng isang makabagong review center. Ang una at ikalawang rason ay nakikita pa naman sa ilan ngunit sadyang patok ang mga establishimentong may mga kakayahang inilahad ko sa ikatlong hanggang ikalimang rason.

Ang mga ito ay base lang sa aking mga obserbasyon at walang intensyon na manira ng integridad. Wala rin akong pakialam sa kung paano nila dapat patakbuhin ang isang review center. Kanya kanya lang yan. Kung baga sa salitang balbal - "Walang basagan ng trip, kanya-kanya lang yan."

Ang desisyon na lang ay nasa sa mga estudyante na lang mismo. Gusto mo bang pumasa na alam ang pasikot-sikot ng tinahak mo o pumasa dahil kinabisado mo lang ang lahat ng gusto mong malaman?

Nasa inyong mga palad ang kasagutan.

Friday, November 26, 2010

Nobyembre 26

Nagbukas ako ng Facebook. At, tiningnan ko ang orasan sa gawing kanan ng kompyuter kong Windows XP SP2 at refurbished pa (na ako lang ang gumawa). Tinungo ko ang recent news at iisa ang tema ng lahat ng mga kaibigan ko doon - good luck at God bless. Bakit? Oras na ng board exams sa karamihan ng mga ECE students - maliban sa sarili ko.

Naitanong ko sa sarili ko? Bakit nga ba ako hindi nag-take ngayon? Bakit hindi ako sumbay sa kanila? Bakit hindi ako nagkalakas ng loob na kumuha rin ng ganitong klaseng eksaminasyon? Ang sagot - hindi ko pa panahon para sa mga ganitong bagay.

May mas matimbang pa sa akin bukod sa board exam. Ako na kasi ang tumatayong breadwinner sa amin kaya naman kung hindi agad ako hahanap ng hanapbuhay ay tiyak di ko na alam kung saan na kami pupulutin ngayon. At hindi ko na rin alam kung ano ang ipanggagastos namin sa araw-araw. Kaysa kumuha ako ng board exam, magtrabaho na lang ako - may pera pa.

Sa isang banda, may nagsusumigaw sa kailaliman ng aking pagkatao. Gusto ko ring maranasan kung paano kabahan, paano ma-excite ngayong paparating na ang board exam, paano manghula kung hindi na alam ang sagot, at maari pang ibang kaugnay na bagay. Gusto ko ring maranasan ang ganun, pero hindi ko pa nga panahon, ika nga.

Ayun, at dahil hindi naman ako kukuha ng board ngayon, pinagpatuloy ko ang pagbabasa ng mga news feed. Marami sa kanila, mga qoutes mula sa bibliya, o kaya naman ay words of wisdom mula sa ilan, o kaya naman mga cheer mula sa kani-kanilang kamag-anak at kaibigan. Nakakatuwang isipin na marami ang talagang tutok sa magiging kahihinatnan ng eksaminasyon na ito, maski na ako na hindi kukuha, ay nakatutok din sa mga kakilala ko. At ipinagpatuloy ko ang pagbabasa ng newsfeed.

Ano man ang kahihinatnan ng board exam na magaganap ngayon ay salamin ng mga mithiin nila na nais nilang makamit . Nagkataon lang na hindi ko pa oras ngayon kaya ipinagpaliban ko muna. Ang mahalaga sa akin ngayon ay mapatunayan kong may silbi ako sa lipunan ko higit pa sa pagkuha ko ng lisensya.

At nakita ko na ulit ang orasan, 12 na pasado, Nobyembre 26 na. At nagsulat ako sa wall na nagsasabing God bless sa lahat ng mga ECE na kakilala ko. At matapos noon ay natulog na ako para aralin na ang mga bagong aralin sa bago kong trabaho.

Tuesday, August 10, 2010

Ilang Taon Ka Na Ba?

May nagtanong na ba sa inyo kung ilang taon ka na? May nanghula na ba kung ilang taon ka nang nabubuhay sa mundong ito? Kung mayroon man, tama ba naman ang ibinigay mong edad o kaya'y tama ba naman ang inihula sa iyo?

Eto ang follow-up. Naranasan mo na bang matawag na kuya o kaya ate kahit na ang tumatawag sa iyo ng ganun ay mas matanda pa sa iyo? O kaya naman, ay nagulat sila na malaman na matanda ka na pala gayung ang tantiya nila sa edad mo ay may mababa sa aktuwal na gulang mo?

Kung oo ang sagot sa unang follow-up, malamang naghihimagsik na ang iyong damdamin at ninanais mong sapakin o kaya durugin ang pagmumukha ng taong inakala kang matanda gayung ang tunay na edad mo ay bata. At hindi rin mapagkakaila na humanap ka na ng paraan na pampabata para sa susunod na may magtatanong ng edad mo o kaya may manghuhula ng gulang mo ay hindi ka nang mapagkamalang matanda. Parang ang dating kasi kapag ganito ang sitwasyon ay hindi mo na napapangalagaan ang iyong sarili. Sa madaling salita, nalolosyang na ang iyong alindog.

Kung oo naman sa ikalawang follow-up, naglulundag ka siguro sa tuwa o kaya marahil ay nagdidiwang ka na sa mga pinakamatatalik mong kaibigan ang ginawang komplimeto ng taong humula o kaya naman nagulat sa edad mong akala nilang bata pero matanda. Maski ako mapagsabihan na mukha kang disi-otso gayung bente singko ka na ay nakakaangat na ng pakiramdam, nakakaangat ng tiwala sa sarili at nakakaganda ng araw. Kaya sa mga napagkamalang bata kahit na mahigit singkuwenta na ang tunay na edad, saludo ako sa inyo at napangangalagaan niyo ang inyong pisikal na katangian.

Sa kabilang banda, sa mga sumagot sa unang tanong, huwag kaagad-agad na magmukmok sa sulok at ituring ang sarili na isa sa mga pinaka (bahala na kayo sa gusto niyong isipin). Oo nga't isang pagyurak sa kompiyansa sa sarili ang mga ganoong pagkakataon. Sino ba naman ang matutuwa kung matawag kang manang gaying labingwalong taong gulang ka pa lang? Sige nga aber? Pero huwag mong ikulong ang sarili sa kasadlakan sa ganong klaseng paglalarawan sa edad mo.

Subalit, ang pagtawag sa iyo ng manang, ale o kaya mama, pati na rin kuya kung mas matanda pa ang tumatawag sa inyo ay may kalakip na respeto (kahit minsan ay hindi ito nakikita). Hindi man halata ang respetong hatid nito ay isang komplimeto na ring maituturing ang mga bagay na ito. Biruin mo, hindi ka na basta-basta mabubully ng kung sinu-sino dahil tingin ng iba sa iyo ay mas matanda na. Hindi ka na rin kaagad-agad na magogoyo ng iba dahil nakikita nila sa iyo ang karunungan na sa mga matatanda lang natatagpuan, at ituring mo itong isang papuri dahil ang tulad mong nasbihan ng gayon ay iginagalang at kinatatakutan (sa ibang banda) .

Ang edad ay isang indikasyon kung gaano na tayong katagal sa mundong ito. Pananda rin ito sa mga bagay na natutunan mo mundong ito. Ngunit ang edad ay isang numero lang na ginagamit sa birth certificate, ID at kung anu-anong dokumento.

Di maiiwasan ang pagtanda. Pero, mas maganda nang matawag na matanda dahil mayroong pinagkatandaan kaysa naman pagkamalang bata dahil walang pinagkatandaan.

Thursday, August 5, 2010

Tanong, Sagot, Tama, Mali

Sabi ng ilan na ang pagtatanong ay isang palantandaan na ang isang indibidwal ay interesado na malaman ang isang bagay na kasalukuyan niyang nakakasalamuha. Isa itong tanda na ang isang tao ay handang yakapin ang anumang kaalamang mapupulot niya rito. Ayon rin sa mga iilan, ang pagtatanong ay isang katangian ng mga matatagumpay na tao sa kahit anumang larangan. Kaya sila nagtatanong ay dahil sa mya mga ideya, bagay, o teorya ang malabo, gumugulo, o lumalaban sa kanilang dati nang kaalaman, paniniwala, o ideyolohiya.

Sa ganitong paraan, tamang sabihin na paghahanap ng kasagutan ang layunin ng pagtatanong. Tama rin na sabihin na may layunin nitong linawin ang anumang bagay na magulo o malabo para sa isang indibidwal. Nagtatanong ang tao para may bagong matutunan.

Pero paano ka magtatanong kung hindi mo alam ang itatanong? Maraming bagay dito sa mundo ang nais usisain ng kamalayan at isip natin pero hindi natin alam kung paano ito sisimulang siyasatin at alamin dahil sa sarili natin mismo hindi alam kung paano ibabato ang tanong sa kinauukulan nito. Kaya ayun, ang iba, nagkakasya na lang ipilit ang natatangi nilang alam sa mga sitwasyong hindi rin alam kung paano sasagupain.

Isa pang dahilan kung bakit marami ang nagkakamali ay dahil may taong nagtatanong ang pinagdadamutan ng impormasyon. Maraming ganito ang takbo ng pag-iisip sa kadahilanang ayaw maungusan ang mga natatanong ng mga nagtatanong. Ang turing sa mga taong nagtatanong ng may ganitong ayos ng utak ay isang taong walang alam, hindi marunong, mahina ang pag-iisip o kaya ang masaklap, ang inutil. Kaya patuloy na nagkakamali ang ilan dahil sa iniilagan nila ang mabigyan ng ganitong mga "brands".

Marami rin ang ayaw magtanong dahil nga alam na nila ang sagot (malamang kasi magtatanong ka lang kung hindi mo talaga alam). Pero may mga pagkakataon na sa pamamagitan ng pagtatanong, kahit alam mo na ang sagot, nakakakuha ang isang personalidad ng kasiguruhan na tama ang kanyang nasasaloob. Totoong alam na nila ang sagot at ang nais lang naman nilang masiguro ay kung tama ang sagot nila. Isang tanda lang ito ng paniniguro ng mga taong takot magkamali - mga taong ang turing sa bawat pagkakamali ay isang itim na batik at dungis sa kanilang pagkatao.

Huli, ang iba ay iniilagan ang pagtatanong dahil ang isasagot ay isang tanong rin. Sa pamamagitan nito, mas naipapamukha sa taong nagtatanong ang kanyang kahinaan dahil ibinalik sa kanya ang tanong na kanyang sinabi. Sa madaling salita, isang malaking dagok ang pagbalik ng isang tanong sa nagtanong dahil ipinalalabas nito na wala siyang kakayahang suriin ang kanyang mga itatanong sa kung sino man kinauukulan na mas may kaalaman kaysa sa nagtatanong.

Sa kabuuan, paghahanap ng tamang kasagutan ang pagtatanong. Iyon nga lang, kadalasan, dala na rin ng inggit sa kapwa at takot na maungusan o malagpasan, iniiwasan ng mga natatanong na magbigay ng matuwid at tamang sagot. Ito ang madalas na naginging dahilan kung hangga't ngayon ay marami pa rin ang nagkakamali sa kabila ng pagiging malawak ng isip ng tao.

Kaya naman kung sa susunod na may magtatanong. . . kayo na bahala kung paano niyo sila haharapin. Ang bawat sagot na ibinibigay niyo sa bawat taong magtatanong sa inyo ay ituturing nilang mga maliliit na kandilang may sindi na gagabay (sana) sa nalililiman nilang mga landas at tunguhin sa buhay.

Dennis F. Burton